Hinihikayat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga pribadong kompaniya na umarkila ng mga pampublikong sasakyan, gaya ng bus, UV Express, moderno o traditional jeepneys na hindi makakabiyahe ngayong modified enhanced community quarantine (MECQ), upang maging shuttle service ng kani-kanilang empleyado.

Bilang karagdagang tulong ng ahensya, pinagbibigay-alam din ng LTFRB na hindi na kinakailangang mag-apply ng special permit (SP) ang mga gagamiting pampublikong sasakyan sa loob ng MECQ na tatagal ng 14 na araw.

Kailangan lamang ay magpakita ng certificate / authorization letter o letter of intent mula sa kompaniya, na may nakasaad na partikular na ruta, bilang patunay na ang pampublikong sasakyan ay ginagamit na shuttle service.

Patuloy na babantayan ng DOTr at LTFRB ang estado ng road public transportation sa ilalim ng MECQ.