Prayoridad ng Pamahalaang Lungsod ng Makati ang mga public utility vehicle (PUV) drivers at mga market vendors sa pooled RT-PCR Testing para sa COVID-19 na sisimulan sa Agosto 15
Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, 10,000 indibidwal, na karamihan ay mga PUV drivers at market vendors, ang kanilang target sa pooled COVID-19 testing, dahil ang mga ito ang siyang pinaka-exposed sa virus.
“Later on, the pooled testing method can be applied to other sectors,” ani Binay.
Nitong Miyerkules, Agosto 6, 2020, ay pumirma si Binay sa isang memorandum of agreement sa Philippines Children’s Medical Center, Philippine Center for Entrepreneurship, at BDO Foundation para sa pormal na pagsisimula ng pilot implementation ng RT-PCR Testing, na nabuo sa ilalim ng Project ARK.
Nabatid na ang Makati City ang siyang unang local government unit sa bansa na makakapagsagawa ng pooled COVID-19 RT-PCR Testing.
Sa ilalim ng pooled testing method, sabay-sabay na susuriin ang swab samples mula sa iba’t ibang indibidwal na bubuo sa isang pool o batch.
Kapag positive ang resulta, lahat ng mga kasama sa batch ay isa-isang isasailalim sa swab test, at magkahiwalay nang susuriin ang kanilang samples.
Kapag negative naman ang resulta, hindi na kailangang sumailalim ulit sa test lahat ng kasama sa grupo.










