LEGAZPI CITY – Lubos ang pasasalamat ng isang punong barangay sa lungsod ng Legazpi matapos malagpasan ang ininuturing nitong pinakamalaking hamon sa buhay at tuluyan nang makarekober sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kapitan Antonio Loverisa ng Barangay 28, Victory Village, matapos makalabas ng ospital at magsailalim sa 14 day mandatory quarantine ay balik opisina na siya dahil sa dami ng napabayaang trabaho.
Humingi naman ito ng paumanhin sa mga nasasakupan na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakakatanggap ng ayuda o ang social amelioration program (SAP).
Kuwento pa ng opisyal na hindi madali ang kaniyang karanasan dahil sa labis na lungkot at pangamba para sa kaniyang buhay nang malamang positibo sa sakit.
Sa kabila nito ay lalo aniyang lumakas ang pananalig niya sa Panginoon na nagsilbing lakas niya lalo pa at hindi pinapayagan ang pagdalaw ng mga kapamilya.
Samantala, nanawagan naman ito sa mga nasasakupan na sumunod sa mga ipinapatupad na health protocols upang maiwasang tamaan ng nakakahawang sakit.