(Update) KORONADAL CITY – Aminado ang pulisya na may pagkukulang ang kanilang hanay kaya nakalusot ang suspek sa likod ng bombing incident sa public market ng Isulan, Sultan Kudarat nitong gabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Lt. Col. Joven Bagaygay, hepe ng Isulan PNP, na bago pa man pumutok ang insidente ay may natanggap na silang ulat hinggil dito.
Batay sa report, may tangkang pagpapasabog sa Isulan kasabay ng foundation anniversary ng bayan noong nakaraang linggo.
Naging dahilan din umano ito para isuspinde ni Mayor Marites Pallisuge ang mga aktibidad sa selebrasyon.
Sa ngayon, malaking tulong ang CCTV footage na kuha sa pagsabog dahil may tinututukan ng person’s of interest ang pulisya.
Extortion naman ang isa sa mga motibong natukoy ng PNP sa insidente.
Sa tala ng mga otoridad, mabot sa walo ang sugatan sa nasabing pagsabog kung saan dalawa na lamang sa ngayon ang ginagamot sa ospital samantalang nakalabas na ang anim sa mga ito matapos magtamo ng minor injuries.