ILOILO CITY – Nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Regional Investigation and Detective Management Division ng Police Regional Office-6 hinggil sa paglabag sa quarantine protocol ng isang pulis sa Western Visayas na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang pulis ay may ranggo na corporal, residente ng Anilao, Iloilo at naka-assign sa Regional Personnel and Holding Accounting Unit.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Maasin, Iloilo Mayor Francis Amboy, sinabi nito na sa halip na mag-quarantine ang pulis, umuwi pa ito sa kanilang bahay sa Anilao, Iloilo dahil namatay ang kanyang ina.
Maliban dito, nadiskubre na nakipag-inuman pa ang pulis sa bahay ng kanyang kaibigan sa Maasin, Iloilo at kumuha ng kakataying manok.
Sa ngayon, nananatili sa isolation facility ang pulis sa kanilang bayan.