-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang kasapi ng Philippine National Police (PNP) sa pamamaril sa lungsod ng Tacurong.

Nakilala ang biktima na si Police Executive Master Sergeant (PEMS) Agusto ”Agot” Braganza na nakatalaga sa Tacurong City PNP.

Ayon sa ulat ng pulisya, lulan ang biktima sa minamanehong motorsiklo nya mula sa tahanan nito patungo sana sa kanyang sakahan.

Ngunit pagsapit ni Braganza sa Barangay Road, Purok Summer Snow, Barangay Baras, Tacurong City ay dinikitan ito ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng town proper.

Patay on the spot ang biktima nang magtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo.

Sinabi ni Brgy Baras Brgy Chairman Doroteo Delicana na wala naman umanong banta na natanggap ang biktima bago pa man ito pinatay.

Hustisya ngayon ang sigaw ng pamilya ni Braganza habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Tacurong City PNP.