NAGA CITY – Nag-iwan ng isang patay na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ang aksidente sa Libmanan, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt.C Paz Magistrado, hepe ng Libmanan-PNP, sinabi nitong mula sa Naga City ang dalawang pulis na sina Pat. Emmanuel Francisco at PLt. Lulu Padernos, parehong PNP-SAF na nakabase sa Sipocot, Camarines Sur kasama ang isang sibilyan na umano’y kasintahan ni Francisco.
Ayon kay Magistrado, pabalik na sana sa Sipocot ang mga ito ngunit pagdating sa Maharlika Highway, Barangay Sibujo, nawalan umano ng kontrol sa sasakyan si Francisco hanggang sa bumangga ito sa puno ng accacia.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na agad namang isinugod sa ospital.
Gayunman, binawian pa rin ng buhay si Francisco habang patuloy na ginagamot ang kasintahan nito at ang opisyal.
Sa ngayon, nagpaabot ng pakikiramay ang kapulisan sa naulilang pamilya nasawing pulis.