-- Advertisements --

CEBU CITY – Sa kulungan ang bagsak ng isang pulis na nakadestino sa Police Regional Office-7 matapos umano itong nakapatay ng magkapatid sa Santa Rita Village, Barangay Dumlog sa Talisay City, Cebu.

Kinilala ang mga biktima na sina Joel Bacos Cabrera, 35-anyos, at Jelvis Cabrera, nasa hustong gulang, kapwa nakatira sa nasabing barangay.

Ang suspek naman ay si Police Staff Sergeant Sidney Alisoso at naka-assign ito sa Regional Drug Enforcement Unit.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Staff Sergeant Reynaldo Tañica ng Talisay-Philippine National Police, sinabi nito na nambato umano ang mga biktima sa tinitirhan ng police officer.

Dagdag pa nito na maaaring inaatake ng magkapatid si Alisoso kaya naman tinamaan sila ng bala mula sa police officer.

Kaagad namang nahuli si Alisoso at nakuhanan ito ng isang 9mm na armas.

Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon at nahaharap ang pulis sa kasong murder.