Umabot na sa 80,000 indibidwal o katumbas ng mahigit 23,000 pamilya ang apektado ng pinagsamang epekto ng bagyong Maymay, hanging habagat at nagdaang bagyong Luis, ayon sa Office of the Civil Defense (OCD).
Naitala ang mga apektadong pamilya sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at Cordillera Administrative Region.
Sa mga apektadong pamilya, inilikas patungo sa mga evacuation center ang mahigit 2,000.
Base sa pinakahuling datos ng ahensiya, walang naitalang pagkasawi, nasugatan o nawawala may kaugnayan sa masamang lagay ng panahon.
Samantala, nakapagtala naman ang OCD ng 12 bahay na napinsala, lahat ay nagtamo ng bahagyang sira.
Nakapatala rin ng pagbaha sa 83 lugar sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Zamboanga Peninsula at BARMM.
Kaugnay nito, tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tulong para sa mga apektadong pamilya sa gitna ng mga kalamidad, kung saan mayroon nang naka-preposition na family food packs at mayroong standby funds sakaling kailanganin.
















