-- Advertisements --

Kinumpirma ni Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) director C/Supt. Glen Dumlao na nagpadala ng surrender feeler ang kidnap-for-ransom-Group (KFRG) leader na si PO1 Michael Siervo.

Ito ay kasunod ng pagkakadiskobre sa kanilang grupo ngunit tumanggi muna si Dumlao na idetalye ang tungkol dito.

Aniya, nakikipag-ugnayan siya kay Laguna-police provincial director S/Supt. John Kirby Kraft ukol sa surrender feeler ni Siervo.

Nabatid na ni-raid ng PNP-AKG ang safehouse na pagmamay ari ni Siervo at ng misis nito.

Inihayag din ni Dumlao na halos mga pulis ang miyembro ng grupo ni Siervo na kaniyang mga classmate sa PNP Batch 2010.

Gayunman, nakatakas na ang isa pang sangkot na si PO1 Ronald Carandang na umalis ng bansa noong June 28, 2018 patungong Singapore, pero na-monitor na nasa Thailand.

Pinaghahanap naman si PO2 Jonathan Galang kasama si Siervo.

Una rito, pinatay umano ng grupo ang kaklase nilang si P02 Gerald Bonifacio dahil nagkaonsehan sa pera.

Ang SIERVO Criminal Group ay tinagurian ding mga ninja cops na nagre-recycle ng mga nakukumpiskang iligal na droga.

“Unfortunately involved lahat ng mga classmates ni Siervo,” wika ni Dumlao.

Modus ng grupo na arestuhin ang kanilang mga target suspects na sangkot sa illegal drugs at sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165.

Sunod dito ang pagpiyansa ang mga ito kaya makakalaya at saka ulit babalikan ng grupo ni Siervo para pagkaperahan.

Ang mga sangkot na pulis sa Siervo Criminal Group ay naka-assign sa iba’t ibang police station pero kung magkaroon ng operasyon ay nagsasama-sama ang mga ito.

Inihayag ni Dumlao na ang mga sangkot na pulis ay nasa kanilang “radar” kaya kanila itong minamatyagan.

Samantala, ipinagmamalaki ng PNP-AKG director na bumaba ang kaso ng kidnapping kompara noong 2017 na umabot sa 27 KFR cases.

Ngayong taon kasi ay nasa 16 KFR cases na lamang kung saan apat dito ay matagumpay nilang naresolba.