(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Nagtala na ng kapwa sugatan ang panig ng pulisya at rebeldeng New People’s Army (NPA) sa nangyaring sunod-sunod na engkuwentro sa mabundok na bahagi ng Purok 6, Barangay Gregorio Pelaez, Misamis Oriental.
Ito ang binanggit sa Bombo Radyo ni Misamis Oriental Provincial Police Office Director Col Raniel Valones ng personal na inakyat ang tropa na nagsasagawa ng clearing operation laban sa umano’y Guerilla Front Committee 4-B ng CPP-NPA na nasa likod ng civilians recruitment sa lugar na umanib sa kanilang armadong kilusan.
Inihayag ni Valones na bagamat naka-ospital ang isa niyang pulis pero hindi naman peligro ang kalagayan habang dala-dala umano ng mga tumakas na rebelde ang sugatan rin nila na kasamahan nang magkahabulan sa lugar.
Una nang tinambangan ng hindi matukoy na bilang ng mga rebelde ang ilang intelligence officers ng pulisya upang tuntunin sana ang lokasyon nila kaya nagkapalitan ng mga putok.
Umatras umano ang mga rebelde dahil sa tatlong teams ng PNP na nakapaligid sa lugar kaya tuluyan nang bumalik ang katiwasayan at maaring pabalikin na bukas ang nasa 500 residente na nasilikas sa mas ligtas na mga lugar.
Magugunitang ang puwersa na nakasagupa ng PNP ay dati nang hindi aktibo subalit bigla itong lumutang na huling kumikilos sa Lanao del Norte para makapag-recruit ng dagdag miyembro mula sa Misamis Oriental.