-- Advertisements --

Nagpaabot ngayon ng pakikiramay ang buong hanay ng Negros Oriental Police Provincial Office sa pamilya ng mga biktima kasunod ng nangyaring pamamaril na ikinasugat ng isang babae at ikinasawi ng dalawang indibidwal kabilang ang isang pulis at jail officer sa Brgy. Tinago Bayawan City Negros Oriental.

Nakilala ang nasawing mga biktima na sina Patrolman Rhulin Mar Abrasaldo,28 anyos ng Regional Mobile Force Battalion 7 sa Sta. Catalina at Edwin Laag, 55 anyos na isang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology sa nabanggit na lungsod.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLt Col Kym Lopez, chief PCADU ng NOPPO, sinabi nitong nagpapagaling pa ngayon sa pagamutan ang isang 56 anyos na nasugatan sa insidente na kinilalang si Winchita Jamin.

Una rito, sinabi ni Lopez na habang nag-uusap sina Abrasaldo at Laag sa labas ng bahay, bigla nalang sumulpot ang dalawang lalaking nakamotorsiklo.

Nasa kabilang lane si Jamin nung mga panahong iyon at nang napansin ng dalawang biktima na may bitbit na armas ang bumabang backrider ay bumunot sana ng armas ang mga ito ngunit naunahan ng gunman.

Pinagbabaril ang mga ito kaya nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima dahilan sa agarang pagkamatay ng dalawa.

Dagdag pa, pinaalalahanan naman ni Lopez ang mga uniformed personnel na mag-ingat lagi at unahin ang kaligtasan kahit na sa anumang rerespondihan.

Nanawagan din ang opisyal ng pulisya sa mga nakasaksi sa insidente na magsumbong sa mga otoridad upang malutas ang nangyaring pamamaril at managot ang dapat managot.

Patuloy pa ngayon ang isinagawang imbestigasyon ng Bayawan City PNP upang matukoy kung ano ang motibo ng pamamaril.

Samantala, sa hiwalay na pahayag naman,sinabi ni Police Regional Office-7 spokesperson Gerard Ace Pelare na kinokonsidera nila sa ngayon ang lahat ng anggulong may kaugnayan sa trabaho at personal grudge na humantong sa krimen.