VIGAN CITY – Malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng mga otoridad sa lalawigan ng Abra sa dalawang insidente ng pamamaril kung saan patay ang isang aktibod sa serbisyong pulis at isang drug personality.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, kahapon ng alas- 8: 30 ng umaga ng pagbabarilin- patay ng mga hindi pa kilalang suspek ang biktimang si Rex Malangen Bonnit, 41-anyos at isang drug personality na residente ng Sitio Banbani, Barangay Padangitan, Danglas, Abra.
Nakasakay sa motorsiklo si Bonnit at habang binabagtas ang Abra- Ilocos Norte road, partikular na sa Sitio Dalaguisan, Barangay San Gregorio, La Paz, Abra nang pagbabarilin ng mga suspek na kaagad nagtungo sa silangang direksyon o papuntang Barangay Toon, La Paz, Abra.
Naitakbo pa sa Abra Provincial Hospital ang biktima ngunit idineklerang dead on arrival.
Samantala, dead on arrival din sa Seares Hospital, Bangued, Abra si P/ Master Sergeant Frederick Fernandez Ybañez na tubong- Cebu City na nakadestino sa Villaviciosa municipal police station nang pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang riding in tandem suspects kaninang umaga.
Pauwi na sana sa kaniyang inuupahang kwarto sa Barangay Poblacion, Villaviciosa ang biktima nang pagbabarilin ito ng mga suspek kung saan nagtamo ito ng tama sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan na siyang rason ng kaniyang agarang kamatayan.