-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Wala pa ring biyahe ang mga pampublikong sasakyan sa Albay sa unang araw ng general community quarantine (GCQ).

Paliwanag ni Land Transportation Office (LTO) Bicol Asst. Regional Director Vincent Nato sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na sa ilalim ng general road transport guidelines, mahabang proseso pa ang kailangan upang makakuha ng permit ang mga PUV.

Aniya, 30 percent lang sa mga ito ang papayagang makabiyahe sa mga ruta na identified ng mga local government units at isi-certify ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na siyang magbibigay ng special permit.

Ayon sa opisyal, prayoridad ngayon ang mga miyembro ng kooperatiba gaya ng mga public utility bus at UV express habang less priority naman ang tradisyunal na public utility jeepney.

Ito ay dahil kahit 50 percent lamang aniya ang pasahero sa mga jeep ay pahirapan pa rin ang social distancing dahil magkakaharap ang mga ito.

Samantala, nagbabala naman si Nato na maaaring hulihin ang mga papasada na walang special permit dahil maituturing itong colorum ngayon na umiiral ang GCQ.