Naniniwala si House Ways and Means Chair at Albay Representative Joey Salceda na makatutulong sa pagsasara sa P7.3 trillion infrastructure Investment Gap ang panukalang Public-Private Partnership (PPP) Law.
Inaprubahan na rin ng Kamara sa second reading ang nasabing panukala kung saan si Salceda ang principal sponsor at chairman ng Technial Working Group.
Aminado naman si Salceda na hindi kaya ng national government na makapaglikom ng P1.047 trilyon na buwis kada taon para matugunan ang agwat na ito, subalit maaaring gamitin ng gobyerno ang mga mapagkukunan ng pribadong sektor upang matiyak na ang mga proyektong ito ay naipatutupad.
Binigyang-diin ni Salceda na kayang punan ng pribadong sektor ang puwang o gap sa pamumuhunan sa imprastraktura.
Batay sa G20 Global Infrastructure Outlook, ang Pilipinas ay nangangailangan ng USD 559 bilyon na pamumuhunan sa mga pangunahing sektor ng imprastraktura hanggang 2040 upang matugunan ang Sustainable Development Goals.
Ayon sa economist solon, kailangan ng gobyerno na maghanap ng pondo ng humigit-kumulang P7.3 trilyon sa mga proyektong pang-imprastraktura upang matugunan ang Sustainable Development Goals.
Ipinunto ni Salceda na malaking tulong ang private sector para mapunan ang gap na ito, kaya nararapat lamang na palakasin pa ang partnership ng public at private sector.
Welcome naman sa mga economic managers ang pagpasa sa ikalawang pagbasa sa PPP Act.
Pinasalamatan naman ng economic team ng Pangulong Marcos ang Kamara sa pagtrato sa panukalang batas with urgency.
Nabatid na ang economic team ang nag rekumenda na madaliin ang pagpasa sa PPP Act na lalong magpapalakas sa private-sector participation sa infrastructure development.










