LEGAZPI CITY – Walang nakikitang problema ang kasapi ng House Committee on Legislative Franchise sa pagbibigay ng National Telecommunications Commission (NTC) ng provisional authority sa Advanced Media Broadcasting System Inc. (AMBS).
Pagmamay-ari ni Manny Villar ang kompaniyang nag-takeover at may temporary permit na para sa test broadcast sa analog Channel 2, na dating hawak ng ABS-CBN Corp. subalit ni-reject ng congressional committee ang renewal noong 2020.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rep. Alfredo Garbin, committee member ng House Committee on Legislative Franchise, nalungkot sa nangyari lalo pa’t ipinaglaban umano ang renewal noon ng prangkisa sa dating humahawak ng channel.
Iginagalang naman umano nito ang desisyon ng collegial body na may constitutional authority sa pag-grant o pag-reject sa prangkisa habang legal din ang hakbang ng NTC na tanging regulatory agency na nagbibigay ng certificate of public convenience.
Basta’t naka-comply umano sa hinihinging 100% all Filipino-owned ang media outlet at may congressional franchise na na-grant.
Paliwanag pa nito na ang Channel 2 ay pagmamay-ari ng pamahalaan at hindi ng sino mang pribadong indibidwal o korporasyon.
Giit pa ni Garbin na bilang bahagi ng collegial body, nirerespeto ang desisyon ng NTC.
Napag-alaman na ang temporary assignment ay para sa simulcast at hanggang sa analog shut-off na nakatakda sa 2023.