CENTRAL MINDANAO- Pinalakas pa ang Executive Order No. 27, inilatag ni North Cotabato Governor Nancy Catamco hinggil sa mga karagdagang alituntunin sa pagpapatupad ng general community quarantine at seguridad sa lalawigan lalo na sa mga checkpoints.
Sa katatapos na pagpupulong ng Provincial COVID-19 Task Force katuwang ang militar, pulisya, DILG, Department of Agriculture (DA) Department of Health (DOH)at iba.
Isa sa mga napagkasunduan sa pagpupulong ay ang pagsasapinal ng panuntunan hinggil sa checkpoints ng probinsya.
Saklaw ng executive order ang Kidapawan City na isang component city ng Cotabato at lahat ng munisipalidad nito.
Una ay ang border protection na naglalayong maprotektahan ang mga boundary laban sa posibleng pagpasok ng taong may sintomas ng COVID-19 na naset-up sa mga entry points ng Arakan, Banisilan, Carmen, Makilala, Midsayap, Pigcawayan, Tulunan at mga karagdagang mga checkpoints na ilalagay ng mga alkalde sa kanilang teritoryo.
Nakasaad din sa EO ang paglilipat ng Brgy Paco checkpoint bilang COVID-19 Checkpoint sa lugar na hangganan ng lungsod at susunod na bayan maging ang paglalagay ng command leader at tauhan na magbabantay 24/7 gaya AFP, PNP at Health workers hanggang April 14.
Mananatili rin ang pagsasagawa ng mga protocol gaya ng thermal scanning, decontamination, isolation at referral. Kung 4 pababa lamang ang taong laman ng sasakyan, hindi na kailangang bumaba, pero kailangang ma-scan pa rin pati na ang driver ng sasakyan.
Lahat din ng dadaan sa checkpoint ay dapat nakasuot mask na maaaring N95, surgical mask, cloth mask o bandana. Sa linya ng tao, mayroong special lane para sa PNP/AFP/BFP, medical personnel, senior citizen, buntis at PWD.
Bawal ang “singit-singit” sa linya at kailangang may physical distancing isang metrong layo sa pila ng tao at sa loob ng sasakyan. Maglalagay din ng mga portable toilets sa mga major entry points.
Dagdag pa sa EO kung may higit sa normal na temperatura ang isang tao, ililipat ito assigned health personnel sa isolation tent at susunduin ng COVID-19 patient transport vehicle (PTV). Naka standby naman ang apat na mga PTV sa Arakan, Tulunan, Midsayap at Kidapawan City.
Agad namang dadalhin ang taong may lagnat sa Cotabato Provincial Hospital para masuri. Susundin ang DOH guidelines kung sila ay maa-assess na PUI. Para naman makapasok ka sa teritoryo ng probinsya, kailangang mapatunayan ito sa pamamagitan ng ID o ng certification na residente ka ng probinsya.
Malinaw rin sa EO na ang hindi residente ng lalawigan,ay hindi maaaring pumasok maliban kung ikaw ay kasama sa delivery ng medicine, foods and goods, o kung ikaw ay required na magtrabaho sa loob mismo ng teritoryo ng probinsya.