Nangako ngayon ang kasalukuyang Direktor ng Bureau of Animal Industry (BAI) at Assistant Secretary ng Department of Agriculture for Swine and Poultry na si Constante Palabrica na magpapaabot din ang national government ng tig- P5,000 para sa bawat baboy na apektado ng African Swine Fever sa lalawigan ng Bohol.
Ito’y maliban sa P10,000 mula sa Provincial Social Welfare and Development Office para sa bawat pamilya na may mga baboy na apektado ng African Swine Fever at P5,000 para sa mga nag-aalaga ng baboy mula sa Office of the Provincial Veterinarian.
Ginawa ni ASec Palabrica ang pangako kasabay ng kanyang pagbisita sa lalawigan kung saan nagkaroon din ng pagpupulong kasama ang mga kinatawan mula sa kinauukulang tanggapan para sa mas matibay na plano para maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit sa mga barangay sa Dauis kabilang ang Barangay Mayacabac, Mariveles at Biking.
Sa tulong pa ng tanggapan ng Kapitolyo, ayon naman kay Gov. Aris Aumentado na mabilis namang naplantsa ang mga contingency plan kasama na ang pagpoproseso ng budget na gagamitin lalo na ang bahagi ng indemnification fund.
Samantala, humingi naman ng paumanhin si Aumentado sa mga Boholano dahil sa abala na nilikha ng ASF Taskforce na nagresulta sa mahabang traffic.
Ipinunto pa ng gobernador na isang malaking banta para sa lalawigan lalo na ang mga negosyante at mga nag-aalaga ng baboy kapag hindi napigilan ang pagkalat ng naturang sakit.
Paglilinaw pa nito na may ipinatupad na sila ngayong mga alternatibong ruta maging express lane upang maiwasan ang mahabang pila ng sasakyan.
Sakali naman aniyang makikitang wala ng dumagdag na mga lugar na apektado sa African Swine Fever ay saka pa nila luwagan ang ipinatupad na border checkpoint.