-- Advertisements --
laoagg

Inihayag ni Mr. Marcel Tabije ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na magsasagawa sila ng pre-disaster assessment para malaman ang mga gagawing paghahanda ng provincial government sa possibleng pananalasa ng Bagyong Obet.

Ayon kay Tabije, hindi pa nakakarekober ang mga lugar sa lalawigan na lubhang tinamaan ng Bagyong Neneng pero mananalasa na naman ang Bagyong Obet.

Subalit tiniyak ni Tabije na gagawing ng provincial government ang lahat sa pangunguna ni Governor Matthew Marcos-Manotoc para matulungan ang mga residenteng lubhang naapektuhan ng Bagyong Neneng lalong-lalo na sa bayan ng Pagudpud at Adams.

Sinabi pa ni Tabije na may dalawang helicopters ng Philippine Airforce na babalik pa sana sa bayan ng Adams at maghahatid ng mga relief packs subalit bumalik dahil hindi na makita ng piloto ang dadaanan nila dahil sa malakas na ulan.

Una nang sinabi ni Sangguniang Bayan Member Ryan Andres sa bayan ng Adams na napakahirap ang kanilang sitwasyon dahil hindi sila makalabas sa kanilang bayan sapagkat nasira lahat ang mga kalsada at tulay.

Maliban dito, wala ring supply ng kuryente dahil marami ang natumbang mga poste ng Ilocos Norte Electric Cooperative dahil sa pananalasa ng Bagyong Neneng.

Dagdag pa niya na posibleng abutin pa ng isang Linggo bago makapasok sa lugar ang mga personnel ng kooperatiba dahil sa mga sirang kalsada.

Napagalaman pa na wala nang makakain ang mga apektadong residente dahil hindi sila makalabas sa kanilang bayan para bumili sana sa ibang bayan o dito sa lungsod ng Laoag.