Target ngayon ng Commission on Elections (Comelec) na maiproklama sa Martes ang 12 nanalong senador habang partial naman sa party-list groups.
Paliwanag ni Comelec Commissioner George Garcia na kung ang natitirang Certificates of Canvass (COCs) ay mabibilang na ngayong araw ay ihahanda na nila ang proclamation sa susunod na araw.
Sa ngayon, nasa 149 sa 173 COCs ang na-canvass na ng poll body na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC).
Ang 24 na natitirang COCs ay kinabibilangan ng 19 manual overseas COCs, isang manual COC mula sa Vulnerable Sector Office, isang manual COCs mula sa 63 barangays, isang electronic COC mula Lanao del Sur, isang electronic overseas COC mula Hong Kong at isang electronic COC mula sa Jordan.
Ang Lanao del Sur ay magsasagawa naman ng special election at ang target at sa May 24 matapos ideklara ang failure of elections sa 14 barangays.
Nanindigan naman si Garcia na kailangang maiproklama nang minsanan ang mga nanalong senador.
Para naman sa party-list, posible umanong hindi maiproklama lahat dahil bawat bilang dito ay mahalaga para sa mga grupong hindi pa nakakakuha ng 2 percent ng total votes.
Sa ilalim kasi ng batas ay dapat makakuha ng dalawang pursiyento ang mga party-list groups para makakuha ng isang upuan sa Kamara.
Ang mga lalagpas naman sa 2 percent threshold ay mabibigyan ng karagdagang upuan na hindi lalagpas sa tatlo.
Base sa partila, at official tally ng Comelec, siyam na party-list group na ang siguradong makakakuha ng upuan sa House of Representatives.
Pero ang mga hindi nakakuha ng 2 percent ay posible pa ring mabigyan ng upuan sa Kongreso dahil base sa batas, dapat ay 20 percent ng mga uupo sa Congress ay mula sa party-list groups.