-- Advertisements --
BIGASAN

Posibleng walang makabuluhang epekto sa local supply ng bigas sa bansa ang naging projection ng United States Department of Agriculture na pagbaba ng bulto ng bigas na aangkatin ng Pilipinas mula sa ibang bansa.

Reaksyon ito ng Federation of Free Farmers sa mga datus na inilabas kahapon ng USDA, kasama na ang projection nito sa local production ng bansa para sa mais at palay.

Sa naging projection ng naturang ahensiya, ibinaba nito ang nauna nang pagtaya na maaaring aabot sa 3.8 million metriko tonelada ang bulto ng bigas na aangkatin ng bansa, at sa halip ay maaaring papalo lamang ito sa 3.5million metriko tonelada.

Ayon kay Raul Montemayor, ang chairman ng naturang grupo, ang 3.5 million metriko tonelada na pagtaya ng USDA ay pasok pa rin sa taunang kakulangan ng bigas sa bansa.

Maaari aniyang mangyari ang projection ng US na mas mababang import, ngunit tiyak din umanong wala itong magiging epekto sa lokal na produksyon ng palay o bigas sa Pilipinas.

Kabilang sa naging basehan ng USDA sa kanilang projection sa produksyon ng palay at bigas, at pagbaba ng imports, ay ang naging epekto ng mga kalamidad, El Nino, at ang patuloy na presensya ng fall army worm.