Iginiit ni Health Secretary Francisco Duque III na walang “batayan” ang projection ng isang think tank na ang Pilipinas ay magiging kabilang sa bansa ng Asya na huling makakamit ang herd immunity mula sa COVID-19.
Sinabi ni Duque na dapat suriin ng think tank ang kanilang matematika o ang kanilang calculator na marahil raw ay wala itong magagandang baterya.
Aniya, walang batayan ang inihayag ng mga self-proclaimed experts at hindi niya alam kung saan ito nanggaling.
Ayon pa sa kalihim, makakamit ng Pilipinas ang layunin nitong mabakunahan ang 70 milyong mga Pilipino sa loob ng 140 araw kung makapagturok ito ng 500,000 na doses araw-araw.
Nauna nang sinabi ng think tank na nakabase sa United Kingdom na si Pantheon Macroeconomics na ang Pilipinas ay maaaring kabilang sa mga huling bansa sa Asya na maabot ang herd immunity batay sa kasalukuyang takbo ng inoculation campaign nito.