-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Itinuturing ng Makabayan bloc na pinakamaruming halalan ang nangyaring 2019 midterm elections noong Mayo 13.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, sinabi nitong ginamit umano ng pamahalaan ang lahat ng mga resources upang ikampanya ang kanilang mga kandidato at hinihikayat na huwag iboto ang nasa oposisyon.

Tinukoy din nito ang usapin ng technical glitch kung saan pitong oras na nawala ang pag-transmit ng data at nang bumalik ay karamihan ng administration bets ang nagdodomina na sa senatorial list.

Isa rin sa mga natuklasan nito ay ang isyu ng vote buying na itinuturing niyang garapalan.

Binigyang-diin nito na dahil sa nangyari noong halalan, dapat lamang na imbestigahan ang pagsasagawa ng automated elections, lalo na’t naitala ang mga corrupted na mga SD cards at vote counting machines.

Matatandaang apat na beses nang ginamit ang vote counting machines sa mga halalan sa bansa.

Dahil dito, iginigiit nila na bilang solusyon ay magsagawa ng mixed elections kung saan manual ang pagboto ngunit automated naman ang canvassing.