-- Advertisements --

Nagpahayag ng di’ pagkatuwa ang ilang progresibong grupo sa naging resulta ng imbestigasyon isinagawa ng Independent Commission for Infrastructure sa isyu ng korapsyon sa flood control projects.

Kasabay ng pagtatapos sa operasyon ng naturang komisyon, nakukulangan sa aksyon ng pagpapanagot sa lahat ng sangkot ang mga grupong mula sa iba’t ibang sektor.

Ayon kay Teddy Casiño, Chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan, hindi aniya sila kuntento o ‘satisfied’ sa naging imbestigasyon ng Independent Commission for Infratructure, Office of the Ombudsman at Senado ukol sa maanomalyang mga proyekto.

Kung kaya’t ibinahagi niyang bilang panawagan na panagutin ang mga sangkot, inihain nila ang reklamo laban sa ilang mga indibidwal sinasabing may kinalaman sa isyu ng korapsyon.

Kanilang inireklamo partikular sina former Undersecretary Adrian Bersamin, at former Department of Education Usec. Trygve Olaivar.

Bagama’t naghain ng reklamo, hinimok pa rin nila ang tanod-bayan na gumawa ng inisyatibo o aksyon para panagutin ang mga dawit sa korapsyon sa bansa.

Ayon naman kay David San Juan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot, na naging limitado lamang ang inabot sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure.

Giit niya’y hindi lubos natukoy sa pag-iimbestigang isinagawa ang tunay na ‘mastermind’, ‘big fish’ at tuluyang naipapakulong na matataas na opisyal kabilang pati mga nasa Palasyo Malakanyang.

Hiling niya na mabusisi at mapalalim pa ng husto ang imbestigasyon nang sa gayon ay malaman ang may kagagawan o ‘mastermind’ ng korapsyon bumalot sa bansa.

Sa kabila nito, ipinauubaya na lamang ng grupo sa Office of the Ombudsman ang gagawin nitong aksyon ukol sa reklamong inihain sa tanggapan.

Gayunpaman, nagtitiwala ang mga ito sa mandato ng tanod-bayan na gampanan ang trabaho at responsibilidad nito gumawa ng aksyon.