Nagsagawa ng kilos protesta sa harap ng House of Representatives (HOR) ang grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines, kung saan panawagan nila sa mga pinuno ng Kongreso na i-override ang pag veto ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. sa panukalang batas na nagbibigay ng tax exemption sa honoraria at allowance para sa serbisyo sa halalan ng mga guro.
Ayon sa tagapagsalita ng ACT Philippines na si Ruby Bernardo, kung hindi nakikita ng Pang. Marcos ang buwis buhay na pagsisilbi ng mga guro tuwing halalan, sana makita ito ng mga mambabatas.
Sinabi ni Bernardo, ang trabaho ng mga guro sa tuwing halalan ay pinakanakakapagod, nakakagutom, nakakapuyat at nahaharap pa sa matinding harassment ang mga ito.
Hihilingin din ng progressive teachers group sa mga mambabatas na suportahan ang kanilang panawagan.
Siniguro ni Bernardo na patuloy nilang ipaglalaban ang panawagan ng mga guro at sa iba pang nagsilbi sa halalan.
Sa panig naman ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers partylist Rep. France Castro kaniyang binigyang-diin na ang pag impose ng tax sa honoraria at allowances sa mga election service volunteers ay nakakasira sa intensiyon ng Election Service Reform Act o ang Republic Act 10756 na binibigyan ng kompensasyon sa hirap ng mga indibidwal na nagbigay ng election service.