Pinalawig pa ng Department of Health (DoH) hanggang sa Abril ngayong taon ang kanilang Sabayang Patak Kontra Polio (SPKP) sa Mindanao at National Capital Region (NCR).

Para sa NCR, magkakaroon ng dalawang rounds, ito ay sa Enero 7 hanggang 27 at Marso 9 hanggang 20 ng taong ito.

Habang sa Mindanao naman ay mula Enero 6 hanggang 12 sa Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Zamboanga City, Isabela City at Lambayong, Sultan Kudarat.

May dalawang karagdagang rounds rin na gagawin sa lahat ng rehiyon sa Mindanao mula Pebrero 17 hanggang Marso 1 at Marso 23 hanggang Abril 4, 2020.

Patuloy naman ang apila ni Health Secretary Francisco Duque III sa lahat na makiisa sa maramihang patak kontra polio para mawakasan na ang polio outbreak sa bansa.

-- Advertisement --

“We need the participation of everybody to successfully end this outbreak – other government agencies, the local government units, partners, our local health workers and bakunators,” ani Duque.

Sa pagpapalawig ng bakuna kontra polio, target ng DoH na masakop ang kahit 95 percent ng lahat ng lugar sa bansa at matiyak na lahat ng bata na nasa edad limang taon pababa ay nabigyan ng oral vaccine.

Sa datos ng DoH, walo ang naitalang kaso ng polio sa bansa at karamihan rito ay sa Mindanao.