-- Advertisements --

Pinatitiyak ni House Deputy Speaker Loren Legarda sa gobyerno na ipatupad ang mga programa na susuporta sa pinakamihihirap sa bansa na lubhang apektado ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Ito ay matapos na sabihin naman kamakailan ng NEDA na tumaas ang poverty rate sa bansa hanggang 18.3 percent noong 2020, na katumbas ng mahigit kumulang 20 milyong mahihirap na Pilipino.

Nabatid na ang datos aniya na ito ay mas mataas ng higit 2.4 milyong Pilipino na nakarans ng matinding kahirapan noon namang 2018 na pumalo sa 17.7 milyon ang bilang.

Kaya naman marapat lamang aniyang sigurihin ng pamahalaan ang pagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga vulnerable at marginalized sector ng lipunan bago pa man tuluyang bumaba sa Malacanang si Pangulong Rodrigo Duterte.

Base kasi sa mga pagtataya ng NEDA, P41.4-trillion ang mawawala sa kita ng gobyerno sa susunod na 40 taon.

Ito ang kailangan aniyang kaharapin ng bansa bago unti-unting makabangon sa kahirapan dulot na rin ng nararanasang pandemya.

Iginiit ni Legarda na dapat mabigyan ang bawat Pilipino ng minimum basic needs, tulad na lamang ng sapat na pagkain, disenteng trabaho, kalidad na edukasyon, pabahay at mahusay na healthcare.