Bumaba ang produksyon ng palay sa bansa nitong nakalipas na 3rd quarter.
Batay sa report ng Philippine Statistics Authority(PSA), bumagsak ng 10.58% ang kabuuang produksyon ng palay sa bansa mula Hulyo hanggang noong buwan ng Setyembre.
Nakapag-ani lamang ng kabuuang 3.79 milyon metriko tonelada ang mga magsasaka ng bansa mula sa dating 4.24 milyong metriko tonelada na naani sa sinundan nitong kwarter.
Malaking bahagi ng kabuuang produksyon ay nagmula sa mga irrigated area na umabot sa 2.81 milyong metriko tonelada. Ito ay katumbas ng 74% ng kabuuang produksyon sa naturang kwarter.
Ang nalalabing 25.98% ng kabuuang produksyon ay mula sa mga lugar na umaasa lamang sa tubig-ulan. Ito ay katumbas ng 986,830 metriko tonelada ng palay.
Sa kabuuan ng 3rd quarter, ang Western Visayas (Region 6) ang nakapag- ambag ng pinakamalaking bulto na umabot sa 726,643 MT, sumunod ang Soccskargen (Region 12) na may 407,551.97 MT, habang ang Central Luzon (Region 3) ay nakapag-ambag ng 390,766.27 MT;
Naging malaki rin ang nai-ambag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na siyang pang-apat sa mga rehiyon ng bansa na may pinakamalalaking produksyon na umaabot ng 297,324.61 metriko tonelada.
Samantala, ang mga rehiyon na mababa ang naitalang produksyon ng palay ang ang Cordillera Administrative Region na umabot lamang sa 48,304.25 metriko tonelada, sinundan ng Calabarzon (Region 4A) na may 36,692.41 metriko tonelada.
Ang rehiyon na may pinakamamababang produksyon ng palay ay ang Central Visayas(Region 7), 28,044.93 metriko tonelada.