Inihayag ng United States Department of Agriculture (USDA) na walang malaking epekto ang El Niño sa pag-aani ng tubo sa bansa.
Sa isang kamakailang ulat, binago ng USDA-Foreign Agricultural Service (FAS) ang pagtataya nito para sa produksyon ng raw sugar, pinataas ito ng 50,000 metriko tonelada para sa kasalukuyang marketing year mula Setyembre 2023 hanggang Agosto 2024.
Sa ulat ng USDA, nakasaad na ang tubo ay hindi gaanong naapektuhan gaya ng inaasahan, taliwas sa naunang pagtataya ng 10% hanggang 15% pagbaba sa produksyon dahil sa El Niño.
Tinataya na ngayon ng USDA-FAS na ang produksyon ng asukal sa Pilipinas ay aabot sa 1.85 milyong metriko tonelada, mas mataas sa naunang projection na 1.80 milyong metriko tonelada.
Kung makakamit ang revised forecast, ito ay bahagyang mas mataas kaysa sa 1.799 milyong metrikong tonelada na na-produced noong 2022-2023 crop year.
Ngayong Marso 24, 2024, iniulat ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na ang raw production ng asukal ay nasa 1.7 milyong metriko tonelada, at may average na weekly production na humigit-kumulang 50,000 metriko tonelada.
Gayunpaman, sinabi ng USDA na mayroon pa ring iba pang mga salik na dapat isaalang-alang, tulad ng paglilipat sa ethanol production at milling schedule.
Nakasaad din sa report na ang mga pasilidad na nagsimula nang maaga sa paggiling ay matatapos din nang maaga kapag mababa na ang suplay ng tubo.
Inaasahang matatapos ang paggiling sa ilang lugar, bandang ikalawang linggo ng Mayo.
Samantala, sinabi ng USDA na ang produksyon ng asukal para sa crop year 2024-2025 ay inaasahang mananatiling steady sa 1.85 million metric tons, sa kabila ng tagtuyot na nakaapekto sa pangunahing sugar-producing region ng Negros Occidental.