-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Mayroon nang “person of interest” ang mga otoridad kaugnay sa pagpatay sa municipal councilor ng San Jacinto, Pangasinan kagabi.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Captain Oliver Baniqued , officer-in-charge Chief of Police ng San Jacinto-Philippine National Police, base aniya sa kanilang imbestigasyon ay personal na problema tungkol sa babae ang nakikitang motibo sa pagbaril ng ‘di pa nakikilalang suspek sa biktimang si Councilor Virgilio Calizo Jr., residente ng Barangay Guebel, San Jacinto.

Gayunman, tumanggi muna itong pangalanan ang kanilang person of interest lalo’t maaituturing din na high profile case ang insidente dahil opisyal ng bayan ang biktima ng pamamaril.

Malaki rin aniya ang pasasalamat nila sa mga kaanak ng biktima dahil sa pakikipagtulungan ng mga ito sa kanilang imbestigasyon.

Sa ngayon, hinihintay pa rin nila ang resulta ng medico legal examination na isinagawa sa biktima upang malaman din ang uri ng baril na ginamit sa pagbaril dito.

Nabatid na tama ng bala sa kaliwang ulo ang tinamo ng biktima na tumagos pa sa kanang bahagi nito maging sa bintana ng sasakyan, matapos itong malapitang barilin ng suspek.

Kagabi, habang nakatigil ang sinasakyang van ng biktima at nag-aantay sa kaniyang asawa na bumibili ng tubig nang mangyari ang krimen.