CENTRAL MINDANAO – Ginawaran ng Department of Agriculture XII ang lalawigan ng Cotabato ng isang plaque of recognition bilang top performing provincial local government unit sa buong Rehiyon XII.
Ito ay matapos manguna ang lalawigan na may pinakamaraming napiling winners sa katatapos lamang na “Search of Outstanding Youth Agri-Business Models Competition” sa ilalim ng programang Young Farmers Challenge Program ng DA.
Kung matatandaan nitong nakaraang linggo ay binigyang parangal ng DA XII ang 79 grupo at indibidwal sa buong SOCCSKSARGEN kung saan 35 ay nagmula sa probinsya, 13 mula sa Saranggani Province, 17 mula sa South Cotabato, 11 mula sa Sultan Kudarat at 3 naman mula sa General Santos City.
Ayon kay 4H Provincial Coordinator Judy Gomez, nagpapasalamat siya sa suporta ng tanggapan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza kung saan inatasan nito ang Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) na bigyan ng suportang teknikal ang mga kabataang agripreneurs na kailangan ng mga ito sa pagbuo ng kanilang Business Model Canvass.
Ang mga provincial winners ng YFC Search for Outstanding Youth Agri-Business Models Competition sa lalawigan ay nakatanggap ng kabuuang halaga na P2.6 milyon na kanilang magagamit pandagdag puhunan sa kanilang sisimulang negosyo.