-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Mas lalong pinaigting ng pamunuan ng Police Regional Office (PRO2) ang mga border control checkpoints para sa kanilang anti-criminality campaign ng pulisya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Lt. Col. Efren Fernandez II, tagapagsalita ng PRO 2 na nakatutok ngayon ang kapulisan sa anti-criminality operations kasama na ang crime solution.

Kahapon ay nagkaroon ng joint anti-bank robbery and cyber Committee meeting kasama ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Mas pinaigting pa ang pagpapatupad ng checkpoints sa mga border control pangunahin na at napapaligiran ang rehiyon dos ng mga rehiyon ng Cordillera, Region 1 at Region 3.

Mayroon ding augmentation ang PRO 2 mula sa Special Action Force at Regional Mobile Force Batallion gayundin ang mga pulis na boboto dito sa rehiyon dos na dito rin magsisilbi sa panahon ng eleksiyon.

Sinabi pa ni PLt Col. Fernandez na wala pa silang nadadakip na lumabag sa COMELEC gun ban sa mga checkpoints ngunit kanyang inihayag na sa kanilang isinagawang operasyon ay mayroon silang naitalang lumabag sa gun ban na 16 katao na nakasuhan at umaabot na sa 25 baril ang kanilang nasamsam.

Nakahanda rin ang mga pulis na magbigay ng mga seguridad hindi lamang sa mga kandidato kundi sa mga mamamayan ngayong panahon ng halalan.

Ipinagbabawal din ang pagkakaroon ng police escorts ang mga kandidato maliban na lamang kung mayroong kapahintulutan ang tanggapan ng COMELEC.