DAVAO CITY – Plano ngayon ng iilang mga private schools sa lungsod ng Davao na ihiwalay ang mga bakunado at ‘di bakunado na mga mag-aaral sa nakatakdang pagbabalik ng in-person classes.
Ito mismo ang kinumpirma ni Davao City Covid-19 Task Force spokesperson Dr. Michelle Schlosser kung saan sinabi nito na hindi umano labag ang palisiya ng mga paaralan sa kahit na anong batas dahil pribado ito at pwedeng magpatupad ng kanilang sariling hakbang upang maka-iwas sa COVID-19 sa loob ng kanilang pasilidad.
Ang nasabing mga paaralan ang hindi muna pinangalanan ni Dr. Schlosser ngunit inamin nito na ang nasabing palisiya ang pwedeng makalikha ng diskriminasyon sa hanay ng mga estudyante na bakunado at hindi bakunado.
Ngunit, pwede pa ring gumawa ng sariling desisyon ang mga pribadong paaralan base sa Davao City Executive Order No. 11 Series of 2022.
Sa kabilang banda, tiniyak ni Jenielito Atillo, tagapagsalita ng Department of Education XI, hindi ito ipapatupad ng ahensiya sa mga publikong paaralan sa syudad.
Ngunit, sinabi ni Schlosser na kung maipatupad man ito, kinakailangan muna na makipagpulong ang mga concerned parties.
Susundin lamang umano ng Davao City COVID-19 Task Force ang mandato mula sa lokal na pamahalaan, DepEd, at DOH.