-- Advertisements --

ILOILO CITY – Ikinalungkot ng alkalde ng Iloilo City ang ang desisyon ng mga pribadong ospital sa lungsod na hindi na mag-renew ng kanilang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) accreditation kasunod ng hindi pagbayad ng ahensya ng reimbursements ng medical facilities.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na ilang beses na niyang kinausap ang PhilHealth kaugnay sa milyong pisong unpaid claims hanggang sa sinampahan na niya ng kaso ang ahensya dahil pa rin sa kabiguang magbayad.

Ngunit ayon sa alkalde, kahit ano pa ang gawin nito, hindi nagbabayad ang PhilHealth at nagtataka siya kung saan napupunta ang binabayad ng mga empleyado buwan-buwan.

Napag-alaman na simula Enero 1, 2022 hindi na magre-renew ng PhilHealth accreditation ang St. Paul’s Hospital, Iloilo Doctors Hospital, Iloilo Mission Hospital, The Medical City Iloilo, Medicus Medical Center, Qualimed Hospital Iloilo, Metro Iloilo Hospital and Medical Center Inc.

Nasa P545-million claims ang hindi parin nababayaran ng PhilHealth sa nasabing healthcare institutions as of August 31, 2021.