Nanindigan ang nasa 20 kataong naaresto na wala silang anumang nilabag na batas sa kabila ng pakikiisa sa tinatawag na Pride March sa Mendiola, Maynila, kaninang umaga.
Kabilang sa mga dinakip at dinala sa Manila Police District ay ang 10 miyembro ng
LGBTQ+ rights group na Bahaghari, walo mula sa iba pang grupo, at dalawang driver.
Sa isang panayam, bakas ang pagkadismaya ng tagapagsalita ng Bahaghari National na si Rey Valmores-Salinas dahil iligal aniya ang paghuli sa kanila.
Naghamon pa ito sa mga otoridad na sabihin na sa kanila kung ano may totoong nilabag sa payapang pagsasagawa ng kilos protesta sa paraang may social distancing.
Hawak ang mga rainbow flags, sigaw ng mga ito sa pamamagitan ng gay lingo na “makibeki at huwag mashokot” (makiisa at ‘wag matakot/patalo).
Giit ng Bahaghari spokesperson, inilalabas lang nila ang saloobin para sa libreng mass testing, gayundin sa pagtutol sa jeepney phase out, pagbasura sa terror bill, at iba pang patungkol sa isyu ng pagkakapantay-pantay.
Katunayan ay payapa anila ang kanilang aktibidad nang biglang magkagulo sa pagdating ng mga pulis.