Nangangamba ang Department of Energy (DOE) na posibleng hanggang sa first quarter ng susunod na taon makakaranas ng price hike sa mga produktong petrolyo dahil sa limitadong supply ng crude oil sa international market.
Ginawa ni DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad ang projection na ito base na rin sa pagtataya naman ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC).
Ayon kay Abad, ang kulang ngayon sa supply ng crude oil ay aabot ng dalawa hanggang tatlong milyong bariles sa kada araw.
Nauna nang sinabi ng kagawaran na ang mataas na demand para sa crude oil ay bunsod ng pagbubukas ng ekonomiya sa buong mundo sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Samantala, ang presyo naman ng mga petroleum products, tulad ng liquefied petroleum gas (LPG), ay maari namang bumaba pagsapit ng Nobyembre sa oras na huminto na sa kanilang stockpiling ang mga Western countries na nakakaranas ngayon ng winter.
Sa ngayon, sinabi ni Abad na nagsasagawa ng konsultasyon ang Department of Finance at Department of Budget and Management sa kung paano mapapagaan ang pasanin ng mga public utility drivers (PUVs).
Isa sa mga kinukonsidera naman ng DOE, pati na rin ng LTFRB, ay ang pagpayag sa PUV drivers na makapagsagawa ng umento sa pamasahe o bigyan sila ng ayuda.