-- Advertisements --

Pinag-aaralan ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad nang pagpataw ng price ceiling sa karneng baboy at manok para naman sa mga farmgate at traders.

Sinabi ito ni DA spokesperson Noel Reyes matapos na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes ang Executive Order 124 na nagtatakda ng price cap sa pork at chicken sa loob ng 60 sa National Capital Region (NCR) para sa mga retailers at public markets lamang.

Sa ialalim ng nilagdaan na EO ni Pangulong Duterte, ang price ceiling sa pigue ay itinakda sa P270 kada kilo, P300 naman sa kada kilo ng liempo, habang ang dressed chicken ay P160 kada kilo.

Ayon kay Reyes, sinumang lalabag dito ay papatawan ng P5,000 hanggang P1 million at isang taon hanggang 10 taon na pagkakakulong.

Ilang meat vendors na sa Metro Manila ang nagpahayag ng kanilang pagkabahala dahil malulugi aniya sila sa buong 60-araw na implementasyon ng price cap sa karneng baboy at manok.

Nauna nang sinisi ni DA Sec. William Dar ang mga unscrupulous traders at wholesalers sa pagsirit ng presyo ng karneng baboy sa gitna ng African swine fever (ASF) outbreak.