DAVAO CITY – Labis na galit ang nararamdaman ngayon ng pamilyang Gonzales sa isang pribadong sementeryo dito sa lungsod ng Davao dahil sa kawalan ng magandang serbisyo.
Kung maalala, viral sa social media ang post ng isang Doll Boniel Gonzales, pamangkin ng namatay, matapos makita sa post nito ang caption na “On the spot digging” o dali-daling paghuhukay ng mga kawani ng sementeryo upang mailibing lamang ang kanilang 59 anyos na tiyuhin.
Ayon kay Gonzales, noong Agosto 6, 2022, araw mismo ng libing, hindi pa umano handa ang libingan ng kanyang tiyuhin.
Galit ang naramdaman ng pamilyang Gonzales matapos na wala umanong maayos na koordinasyon ang sementeryo dahil hinarangan sila sa gate bago pa sila makapasok dahil wala umanong naka-schedule na libing sa nasabing araw.
Ngunit nilinaw ni Gonzales na pumunta sila sa opisina sa unang araw ng pagkamatay ng kanilang tiyuhin upang ipaalam sa management na mag-a-avail sila ng lote na matagal na nilang nabayaran.
Dagdag pa nito na nagbayad pa sila ng P30,000 para sa paghuhukay kung saan hawak pa nila ang resibo at iba pang mga dokumento.
Base sa listahan ng sementeryo, napag-alamang may naka-schedule talaga na libing sa nasabing araw ngunit hindi ito na-relay sa mga kawani na nangangasiwa sa entrance kung kaya’t hindi agad sila nakapasok.
Salaysay pa ni Gonzales, pinayagan sila na makapasok matapos ang iilang minuto ngunit halos dalawang oras naman silang naghintay dahil hinukay pa ang paglilibingan sa nasabing sementeryo gamit ang backhoe.
Nang ililibing na sana ang bangkay, nagulat ang pamilya nang makarinig sila ng lagapak matapos na may malaking bato at lupa ang nahulog sa kabaong na nagresulta sa pagkasira nito.
Agad naman na kinuha ng mga kawani ng sementeryo ang nasirang kabaong at pinalitan ito.
Matapos ang libing, inamin ni Gonzales na lumapit sa kanila ang isang admin ng sementeryo at sinabing ikinalungkot ng kanilang tanggapan ang pangyayari.