Umabot na sa mahigit isang libong mga indibdiwal ang naaresto ngayon ng Philippine National Police nang dahil sa paglabag sa umiiral na election gun ban sa bansa.
Ito ang naitala ng Pambansang Pulisya sa gitna nang papalapit na papalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.
Batay sa datos na inilabas ni PNP-Public Information Office chief PCOL Jean Fajardo, as of alas-11:59pm ng gabi ng Oktubre 19, 2023, pumalo na sa 1,615 na mga indibidwal na ang naaresto ng kapulisan nang dahil sa paglabag sa gun ban.
Habang nasa 1,210 na mga armas na ang nakumpiska ng mga otoridad; 2,194 na mga armas ang idineposito for safekeeping; at 1,483 naman ang kusang isinurender.
Samantala, bukod dito ay nakapagtala naman ng 97 insidente ang PNP sa loob ng panahon ng halalan.
Sa naturang bilang nasa 18 sa mga ito ang kumpirmadong may kaugnayan sa BSKE na kinabibilangan naman ng 12 insidente ng shooting; 2 kidnapping; 1 grave threat; 1 indiscriminate firing; 1 gun ban violation; 1 armed encounter.
Habang sa ngayon ay patuloy pa rin isinasailalim sa validation ang 13 suspected election-related incidents na kinabibilangan naman ng 2 shooting; 2 physical injury; 2 assault; 2 violation of gun ban; 2 mauling; 1 harassment; 1 pananaksak, at isang armed encounter.
Batay sa Comelec Resolution No. 10728, ang pagdadala ng mga baril o anumang uri ng armas ay ipinagbabawal sa labas ng tirahan at sa lahat ng pampublikong lugar mula Agosto 28 hanggang Nob. 29, 2023.
Ngunit exempted dito ang mga alagad ng batas ngunit basta’t mayroon silang authorization mula sa Comelec at nakasuot ng agency-prescribed uniform habang nasa official duty sa panahon ng halalan.
Ang sinumang lalabag ay mahaharap sa pagkakulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi hihigit sa anim na taon, at hindi dapat sumailalim sa probasyon.