-- Advertisements --

Sa kabilang ng pamemeste ng armyworms o harabas sa ilang mga sakahan, iniulat ng Department of Agriculture (DA) na bumaba sa P20 kada kilo ang presyo ng sibuyas.

Ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, bumaba ang presyo ng puti at pulang sibuyas sa P80 mula sa dating P100 kada kilo.

Base din sa monitoring ng DA noong Marso 15, ang presyo ng lokal na pulang sibuyas ay ibinibenta sa P60 hanggang P120 kada kilo sa mga palengke sa Metro Manila habang ang lokal na puting sibuyas naman ay nasa P50 hanggang sa P120 kada kilo.

Inihayag ni De Mesa na mahigit 10,300 ektarya ng sakahan ang tinamnan ng mga sibuyas ngayong taon na katumbas ng 70% na pagtaas mula sa 7,000 ektarya noong 2023.

Inamin din ng DA official na ang armyworms ay mayroong epekto sa produksiyon ng sibuyas subalit minimal lamang ito.

Ayon pa sa opisyal, aabot sa 17.8 ektarya ng onion farms ang ganap na napinsala dahil sa harabas.

Sa kabila nito patuloy ang harvesting ng sibuyas kung saan ang peak nito ay ngayong buwan ng Marso hanggang sa Abril.