-- Advertisements --

Patuloy na umaaray ang mga Pilipinong magsasaka sa negatibong epekto ng Rice Tariffication Law, ayon sa isang kongresista.

Ayon kay Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat, walang katotohanan ang datos na inilabas kamakailan ng Philippine Statistic Authority (PSA) na ang kada kilo ng palay ay binibili sa ngayon ng P17.

Iginiit ni Cabatbat na hanggang P13 lamang ngayon ang totoong presyo ng bilihan sa kada kilo ng palay, at bumaba pa nga raw ng hanggang P7 sa mga lugar na may pinakamalaking produksyon ng bigas sa bansa tulad ng Nueva Ecija, Pampanga, Isabela, at Ilocos Norte.

Dahil dito, napipilitan na raw ang ilang magsasaka na ibenta ang buong kabuhayan nila, at bagamat wala pang maipakitang datos, may ilan pa raw na nagpakamatay na lamang.

Isinisi ni Cabatbat ang pangyayaring ito sa pagbaha ng mga inaangkat na bigas dahil sa Rice Tariffication law.