-- Advertisements --
meat 1

Posible raw na tumaas nang hanggang P30 ang presyo ng kada kilo ng meat products hanggang sa buwan ng Disyembre.

Ayon kay Meat Importers and Traders Association (MITA) President Emeritus Jess Cham, nadinig daw nila sa mga mga pork producers na pagdating ng buwan ng Disyembre, tataasan nila ang presyo ng meat products hanggang P30 per kilo kaya naman nandiyan na raw ang trend.

Maliban dito, ang gastusin o puhunan daw o landed cost ng imported meat products ay tumaas na rin kaya ngayon ay may mga produktong karne na ang tumaas at asahan daw ang pagtaas pa nito sa mga susunod na buwan.

Sa pinakahuling data ng Department of Agriculture (DA), ang presyo ngayon ng kada kilogram ng pork liempo ay may average na P350 at pork kasim ay nasa P300 sa Metro Manila.

Malaki rin daw kasi ang epekto ng mga lockdowns dahil ang mga imported na karne ay kailangan pang dumaan sa ibang bansa gaya ng Taiwan at China bago makapasok dito sa Pilipinas.

Maliban dito, nakapagtala rin daw kasi ang DA ng P12.8 million sa livestock at poultry sector losses matapos tumama ang napakalakas na bagyong Karding sa bansa noong nakaraang Linggo.

Sinabi naman ni Pesa Onion at Vegetable Farmers Association Chairman Victor Layug inapektuhan din ng naturang bagyo ang ilang pananim na gulay gaya ng sibuyas.

Dahil dito, nasa P80,000 daw kada ektarya ang lugi dito ng mga magsasaka maliban pa sa ibang gastos.

Sinabi naman ng DA na available na raw ang mga assistance para sa mga apektadong magsasaka at mga fisherfolk.

Kinabibilangan ito ng 133,240 bags ng rice seeds; 5,729 bags ng corn seeds at 4,911 kilograms ng assorted vegetable seeds.

Mayroon din silang drugs at biologics para sa mga livestock at poultry at fingerlings maging ang tulong sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Puwede rin umanong gamitin ang Survival and Recovery (SURE) Program ng ahensiya ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) at P500-million na halaga ng Quick Response Fund (QRF) para sa pagsasaayos sa mga nasirang areas.