-- Advertisements --

Posibleng sumipa ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) sa mga susunod na araw dahil sa muling pagtaas ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Tinatayang P27.50 ang maaaring idagdag sa presyo ng kada 11-kilogram na LPG cylinder, o katumbas ng humigit-kumulang P2 kada kilo, ayon sa LPG Marketers Association (LPGMA).

Bagama’t wala pang opisyal na price adjustment ang Department of Energy, sinabi ng LPGMA na tumataas ang presyo ng LPG sa pandaigdigang merkado dahil sa umiigting na sigalot sa Ginang Silangan.

Ayon kay LPGMA Founder at Chairman Arnel Ty, naapektuhan ang presyo matapos muling sumiklab ang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na nakaapekto sa pandaigdigang suplay ng LPG.

Dahil dito, sinabi ng grupo na malabo ring magkaroon ng rollback sa presyo ng LPG sa mga susunod na buwan, lalo na’t magsisimula na ang winter stockpiling sa ibang bansa.

Ikinabahala naman ito ng ilang negosyante, na nagsabing maaari nilang ipasa sa mga mamimili ang dagdag-gastos upang mapanatili ang kanilang operasyon.