Inaasahang tataas ng P20 kada kilo ang presyo ng karneng baboy sa Metro manila dahil sa additional costs kagaya na lamang nang gastos sa pag-angkat mula sa Mindanao region at regular testing para sa African Swine Fever (ASF), ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sa isang panayam, sinabi ni Agriculture assistant secretary Kristine Evangelista na maraming ipinapatong sa presyo ng karne ng baboy bago pa man ito makarating sa mga palengke dahil sa proseso na kailangan nitong pagdaanan sa ngayon sa gitna nang kakulangan sa supply.
Nauna nang sinabi ng DA na nakikipag-ugnayan sila sa mga suppliers sa Mindanao para masolusyunan ang kakulangan sa supply sa Luzon, na isinisisi ng kagawaran sa ASF na kumitil sa mga alagang baboy at pumigil din para sa ilang hog raisers na mag-alaga pa sa pangambang malulugi lamang kapag mahawa sa naturang sakit.
Noong nakaraang linggo lang, iminungkahi ng DA kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng price ceiling para sa karne ng baboy at manok, na lubhang malaki ang itinaas ng presyo sa kabila nang ipinatupad na price freeze noong nakaraang taon dahil sa ASF.
Setyembre 2019 pa nang unang kumpirmahin ng DA ang presensya ng ASF sa bansa.
Isinisi nila ito sa mga inangkat na karne ng baboy mula China at dahil sa swill feeding.
Base sa latest data mula sa price monitoring, lumalabas na hanggang noong Enero 29, ang presyo ng kada kilo ng kasim ay sinasabing nasa P370, habang ang liempo naman ay P400 kada kilo.