Posibleng tumaas ng P4 ang presyo ng diesel habang nakaamba ring bumaba o tumaas ang presyo ng gasolina sa susunod na linggo ayon sa source ng oil industry.
Batay sa galaw ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at average na palitan ng piso kontra dolyar mula Hulyo 6 hanggang 9, 2026, inaasahang magkakaroon ng malaking pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Narito ang posibleng magiging adjustment:
- Diesel — tataas ng P2.00 hanggang P4.00 kada litro
- Gasolina — rollback ng P1.00 kada litro o posibleng tumaas ng P1.00 kada litro
Ipinaliwanag ng source na nananatiling mataas ang presyo ng diesel at iba pang middle distillates dahil sa matatag na demand at paghigpit ng suplay.
Dagdag pa rito ang pangamba sa posibleng pagbaba ng suplay ng diesel mula Russia dahil sa pinsalang dulot ng mga pag-atake sa imprastraktura ng enerhiya nito.
Gayunpaman, inaasahang maaaring tumaas muli ang presyo ng langis dahil sa mas mataas na demand sa panahon ng tag-init sa Northern Hemisphere at mga limitasyon sa suplay dulot ng maintenance at pagbabawas ng produksyon ng mga refinery.
Karaniwang inaanunsyo ng mga kompanya ng langis ang pagbabago sa presyo tuwing Lunes, na ipinapatupad naman pagsapit ng Martes.
Ayon pa sa source, nakaapekto rin sa paggalaw ng presyo ng langis ang mga tensiyon sa Gitnang Silangan, kabilang ang pag-atake ng Iran sa mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz sa labas ng opisyal na rutang inaprubahan, pati na rin ang ganting pag-atake ng Amerika, at ang pagbawi ng U.S. sa mga ipinatupad nitong exemption sa sanctions para sa pag-export ng langis ng Iran.














