Muling papasanin ng mga motorista ang panibagong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, partikular sa diesel, sa susunod na Linggo bunsod pa rin ng epekto ng digmaan sa Middle East.
Batay sa pagtataya ng Mean of Platts Singapore (MOPS) trading sa nakalipas na apat na araw, posibleng tumaas ang presyo ng diesel ng P11 hanggang P12 kada litro.
Dahil dito, maaaring umabot sa pagitan ng P118 hanggang P146.3 kada litro ang presyo ng diesel sa mga gasolinahan.
Sa kasalukuyang linggo (Marso 24 hanggang 30), nasa P107 hanggang P134.30 kada litro ang diesel matapos ang P15 hanggang P18 na dagdag-presyo.
Para naman sa premium diesel, tinatayang maaari itong umabot sa P125 hanggang P156 kada litro mula sa kasalukuyang P115 hanggang P144 kada litro.
Samantala, ang presyo ng gasolina ay inaasahang maaaring walang pagbabago o tumaas ng hanggang P3 kada litro, na maaaring magdala sa presyo nito sa hanggang P115.4 kada litro.
Nauna nang tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sapat ang suplay ng krudo ng bansa hanggang Hunyo 30, 2026.
Ayon sa Pangulo, patuloy pa rin ang paghahanap ng karagdagang mapagkukunan ng langis upang matiyak ang sapat na suplay sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo sa pandaigdigang pamilihan.
Matatandaang idineklara rin ni Marcos Jr. ang state of national energy emergency noong Marso 24 dahil sa serye ng mga pagmahal ng mga produktong petrolyo sa bansa.
















