-- Advertisements --

Tiniyak ni Agriculture Secretary William Dar na bababa pa lalo ang presyo ng karne ng baboy sa mga susunod na buwan.

Sinabi ito ni Dar matapos na mapuna ni Marikina Rep. Stella Quimbo sa budget deliberation ng House Committee on Appropriaitons ang tungkol sa epekto nang pagbawas ng pamahalaan sa taripang ipinapataw sa mga inaangkat na karne ng baboy.

Ayon kay Quimbo, makalipas ang apat na buwan mula nang ipinatupad ang tariff reduction at increase sa minimum access volume sa pork imports ay P10 lamang ang nabawas sa kada kilo ng karne ng baboy sa mga pamilihan.

Maliit aniya ang halagang ito kung ikukumpara sa laki naman ng nawawala sa kinikita ng pamahalaan mula sana sa maayos na tariff rates.

Ayon kay Dar, inaasahan na lalo pang bababa ang presyo ng karne ng baboy sa mga susunod na buwan lalo na kung makarating na sa bansa ang malaking bulto ng pork imports sa Nobyembre.

Iginiit naman ni Quimbo na dapat pag-aralan ulit ng Department of Agriculture ang kanilang mga polisiya sapagkat ang ayudang ibinibigay sa mga Pilipinong apektado ng pandemya ay kinukuha sa kita ng pamahalaan tulad ng mga ipinapataw na taripa.