Nakiisa rin sa inilunsad na Executive Motorcycle Riding Course (EMCRC) Class 02-2022 at 03-2022 ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang bunsong anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na si William Vincent Marcos.
Ayon sa mga kinauukulan, kabilang sa Special Class ng EMCRC ng PNP-HPG ang presidential son na si Vinny.
Sa pangunguna ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. sa naturang aktibidad sinabi niya na ang pagsasanay na ito ay hindi lamang para sa pagpapahusay sa motorcycle riding skills ng kanilang mga tauhan.
Aniya, makakatulong din ito para ipanawagan sa publiko ang safe and responsible riding at hikayatin din sila na sumali sa nasabing kurso.
Bukod dito ay ibinida rin niya ang kaibahan ng pagsasanay ng HPG dahil dito raw ay itinuturo nila sa mga rider ang ilang safety features na hindi itinuturo ng mga private training centers.
Samantala, sa huli ay lubos naman nagpaabot ng pasasalamat si Gen. Azurin sa mga training staff ng HPG at mga course participants dahil sa ibinigay nilang 100 porsiyentong atensyon sa ginanap na aktibidad.