Nagpahayag ng pagkadismaya sa Ombudsman ang presidente ng League of the Municipalities of the Philippines – Bohol at Pres. Carlos P. Garcia Mayor Fernando Estavilla, dahil sa bigat ng sanction na ipinataw kay Bohol Gov. Aris Aumentado at 68 iba pa.
Ito’y kasunod na rin sa kontrobersyal na itinayong resort sa paanan ng Chocolate hills.
Inihayag ni Mayor Estavilla na tanggap naman umano nito na may pagkukulang sila bilang mga pinuno pero umaasa ito na idadaan sana sa proseso.
Punto pa ng alkalde na ang isyu ay hindi naman umano graft and corruption at criminal case na mangangailangan ng 6 na buwang pagsuspendi sa iilang opisyal, gayunpaman, nirerespeto umano nito ang desisyon ng Ombudsman.
Kasunod nito, planong isagawa ang isang province-wide prayer rally bilang pagkakaisa at pagsuporta kay Aumentado at mga kasamahang mga opisyal.
Nakatakda namang magsagawa ng pagpupulong ngayong Biyernes ang mga alkalde sa lalawigan upang mapag-usapan at talakayin ang mga bagay sa aktibidad.