Nagtamo ng leg injuries si Iranian President Masoud Pezeshkian sa kasagsagan ng pag-atake ng Israel sa Iran noong nakalipas na buwan.
Ito ay base sa report mula sa state news agency ng Iran na malapit sa revolutionary guard.
Ayon sa ulat, bahagyang nasugatan ang Iran president nang sumabog ang anim na bomba noong Hunyo 16 sa may access at entry points ng isang sekretong underground facility sa Tehran kung saan dumalo noon si Pezeshkian para sa isang emergency meeting ng Supreme National Security Council.
Sa kabila ng natamong sugat, nagawa naman ng Iran President kasama ang iba pa na makatakas sa pamamagitan ng pagdaan sa isang emergency shaft.
Sa ngayon wala pang tugon ang panig ng Israel sa ulat ng state media ng Iran.
Nauna na ngang inakusahan ni Pezeshkian noong nakalipas na linggo ang Israel na tinangka siyang i-assassinate, bagay na itinanggi naman ni Israeli Defense Minister Israel Katz at iginiit na ang pagpapalit ng rehimen sa Iran ay hindi nila layunin sa giyera.